The writer with her mom
Ang most memorable moment ko with my Inang ay naganap noong ako ay magtatapos ng elementarya.
Sa unang tingin siguradong sasabihin ninyo, “Paano naging best moment ang tila malungkot na lumang larawang ito?” Hayaan ninyong ibahagi ko ang kuwento sa likod ng tila malungkot na larawan na ito, na siya ring magpapatunay kung gaano kadakila at wagas magmahal ang aking Inang.
Maagang nabiyuda ang aking Inang nang mamatay ang aking Tatang habang ipinagbubuntis ni Inang ang aming bunsong kapatid. Sa isang iglap, naiwan si Inang para itaguyod ang pitong anak. At dahil Grade 5 lamang ang kanyang natapos, wala siyang choice kundi magtrabaho sa paraang alam at kaya niya: Nagtrabaho siya sa bukid ng kakilala kapalit ang kaunting bigas, naglako ng kakanin, nagtinda ng lutong ulam, nanahi ng punda ng unan, at kung anu-ano pa. Wala siyang tigil sa pagtatrabaho at walang humpay sa pagpupursiging matugunan ang mga pangangailangan ng kanyang mga anak. At bukod sa wasto at sapat na pagkain, pinagsusumikapan rin ng aking ina ang aming edukasyon. Kaya naman sinuklian naming magkakapatid ang kanyang hirap sa pamamagitan ng pag-aaral nang mabuti.
Sa aming magkakapatid, ako ang madalas masabitan ng medalya. Makikita sa larawang ito ang aking pagtatapos ng elementarya. Noong una, ang akala ko ay hindi ako makaka-attend ng graduation dahil wala akong isusuot na damit. Nagkasakit kasi noon ang aking bunsong kapatid kaya gipit kami sa pera. Pero noong araw ng graduation, nagulat ako na may dalang puting bestida ang aking ina. Nalaman kong isinanla pala ni Inang sa aming kapitbahay ang kuwintas na regalo sa kanya ng aking Tatang — ang kuwintas na pinakaiingatan niya dahil ito na lamang ang natitirang alaala ng kanilang pagmamahalan. Nang tanungin ko si Inang kung bakit niya yun ginawa, sinabi niya na di daw dapat maging masyadong sentimental; sa panahon ng pangangailangan, dapat maging mas praktikal. Naniniwala daw siya na ikatutuwa rin iyon ni Tatang dahil maipagmamalaki ang aking tatanggaping karangalan. Biro pa niya, tutal mapapalitan din naman yung kuwintas ng gintong medalya.
Kaya na-capture sa larawang ito yung damdaming kung tawagin ay “bittersweet”, dahil bagamat masaya at proud ako sa aking medalya, nangibabaw din ang lungkot sa nalaman kong sakripisyong ginawa ng aking Inang. Ipinadama niya sa akin na kaya niyang isantabi ang sariling kaligayahan basta para sa kapakanan ng kanyang mga anak. Lagi niyang inuuna ang aming kaligayahan kahit pa ang kapalit nito ay kanyang lungkot, sakripisyo at pangungulila.
Kaya naman mas lalo akong nagsumikap mag-aral at nagpursigi upang mapaunlad ang aming buhay. Sa kalaunan ay natubos ko rin ang kuwintas ni Inang at napagsumikapan kong mabigyan siya ng komportable at mas masaganang buhay. Bagamat di kayang tumbasan ng anumang karangyaan ang lahat ng hirap, pagod at sakripisyo ni Inang, gagawin ko pa rin lahat upang ipadama sa kanya kung gaano ko siya kamahal at kung gaano ako nagpapasalamat sa Diyos na siya ang biniyayang maging aming Inang.
Sally Encarnacion is the winner of Familywise Asia’s Mother’s Day campaign titled #InspiringMoms